kay dami dami dami dami dami daming tao sa barangay! heto sila't dumadayo, dumadagsa, kumukumpol, sumisiksik, abalang abala, binibisita ang mga patay!
huuuu, ang sarap ng gising ko, wala pang araw dito sa barangay bagong buhay (ah, dyan lang po kami sa loob ng sementeryo nakatira.) pero maliwanag na sa aking paningin, halos nakikinita ko na ang kikitain buong maghapon. parang musika sa aking mga tainga ang paparating na halakhakan, hagikgikan, tuksuhan at kantyawan. unti-unting pagbuhos ng padyak ng mga paa sa mga nitsong patung-patong-patong-patong-patung (makikiraan lang po. tabi-tabi po. sorry po.) mga bisitang kamag-anak ng kamag-anak ng kapitbahay na kalaro ng katrabaho na katsismisan ng dating kalaguyo na ngayo'y sama-sama, pinag-sama, pinag-tagpo ng tadhana. hay, buhay nga naman, buhay na naman ang aming barangay, may hanap buhay na naman kami!
binubuhay kami ng todos los santos. babanatin butong binaon na sa limot. bigyang kulay putla't magigising sa tulog. binubuhay kami ng todos los santos.
magsisimula ako habang tulog pa si misis (naku, diyos ko, pinagod ko ata kagabi, sana di na naman kami naka-buo, haleluya, amen, harinawa, sisbumba.) bibisitahin ang mga nitsong nandiyan lang sa labas ng pinto namin at matitirik ng kandila. paano ko nga naman makikita habang pinipintahan? mahirap na, baka abutan ako ng liwanag. maaga pa namang dumadating si (mr. santos, kayo po pala.! a, e, opo. matatapos ko na po.diyan lang po kayo at makakaasa po kayo na parang kahapon lang inilibing sa puntod na ito ang misis niyo. walang biro! ehe. kayo na pong bahala sa tip! pero sana po malaki. hehe.) pagkatapos, wawalisan ko ang paligid ng mga nitso dahil nagkalat ang tuyong dahon at tangkay at basura at upos ng yosi at patay na daga at patay na pusa at patay na (hoy junior, itapon mo yang plastik ng babol gam sa basurahan. konting respeto sa patay. diyan tayo kumikita, papatayin kita dyan eh!) at habang patuloy na dumadagsa ang mga dayo sa aming lugar at lumalala ang init at tumatagaktak ang pawis ng mga batang 'di mapirmi, ihahanda ko na ang mga paninda (ah, honeybunch, kailangan mo ng gumising, diyan ako mag-di-display sa bintana ng kwarto/kusina/kubeta natin. salamat dear.) ang lakas ng benta! ang daming uhaw na kaluluwa! (sa malamig, sa malamig, sa malamig kayo diyan. kornik, mani, butong pakwan, sago't gulaman! bili na, bili na, mahaba pa ang araw! hala sige mga iho't iha, ate't kuya, lolo't lola, tatagal ka paba? nakow, mukhang hindi na ah! bilisan bago maubusan, nang sa inyong mahala sa buhay, hindi mapasama.)
patapos na ang araw, paubos na ang paninda, pauwi na ang mga bisita. nalalagas isa-isa. sa isang taon muli nila kaming maaalala. (oh bata, ginagabi ka ata, ubos na ang sago't gulaman namin eh. pasensya na. teka... ren-ren? ikaw ba yan? ren-ren, ikaw nga! ang dati kong kalaro! aba, di ka nag-bago ah! san kaba nagsuot at di ka man lang nagparamdam? huli tayong nagkita noong...)
langit, lupa, impyerno, im-im-impyerno... ah! hindi! taya ka! taya! hindi yan langit! bakit ba marunong kapa? ano ba alam mo? itulak kita dyan eh! diyan ka sa impyerno! diyan ka nababagay! saksak puso agos ang dugo. patay. buhay. alis ang isa diyan.... alis ka dyan! alis ka!
BINUBUHAY KAMI NG TODOS LOS SANTOS
BABANATIN BUTONG BINAON NA SA LIMOT
BIGYANG KULAY PUTLA'T MAGIGISING SA TULOG
BINUBUHAY KAMI NG TODOS LOS SANTOS
Finding -Marco-™ Harlequin Lover
Mistula Disciple
No comments:
Post a Comment